web analytics
Advertisements
Mon. Sep 16th, 2019

ItsJM Life

Live simple and stay happy.

Mga Pagbasa ngayong Agosto 30, 2019 (Biyernes ng Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon)

3 min read

UNANG PAGBASA
1 Tesalonica 4, 1-8

Pagbasa (Pagpapahayag) mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Tesalonica

Mga kapatid, isa pang bagay ang ipinapayo namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Hesus. Sana’y lalo pang pagbutihin ninyo ang pamumuhay ninyo ngayon — pamumuhay na ayon sa inyong natutuhan sa amin — upang kayo’y maging kalugud-lugod sa Diyos. Batid naman ninyo ang mga aral na ibinigay namin sa inyo buhay sa Panginoong Hesus. Ibig ng Diyos na kayo’y magpakabanal at lumayo sa kahalayan. Dapat maging banal at marangal ang layunin ng sinuman sa kanyang pag-aasawa, at hindi pagsunod lamang sa pita ng laman, tulad ng inaasal ng mga taong hindi nakakakilala sa Diyos. Sa gayun, hindi yuyurakan ninuman ang karapatan ng kanyang kapwa ni pupugayan man ng dangal. Tulad ng sinabi namin sa inyo noon pa at mahigpit na ibinabala, parurusahan ng Panginoon ang gumawa ng ganitong kasamaan. Tayo’y tinawag ng Diyos upang mamuhay sa kalinisan, hindi sa kahalayan. Kaya, ang sinumang humamak sa aral na ito ay humahamak, hindi sa tao, kundi sa Diyos na siyang nagkakaloob sa atin ng kanyang Espiritu Santo.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 96, 1 at 2b. 5-6. 10. 11-12

Tugon: Sa Panginoo’y magalak ang masunuri’t matapat.

Ang Poon ay maghahari, magalak ang kalupaan!
Lahat kayong mga pulo ay magsaya at magdiwang!
Kaharian niya’y tapat at salig sa katarungan.

Tugon: Sa Panginoo’y magalak ang masunuri’t matapat.

Yaong mga kabunduka’y natutunaw, parang pagkit,
sa harapan ng dakilang Panginoon ng daigdig.
Sa langit ay nahahayag yaong kanyang katuwiran,
sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.

Tugon: Sa Panginoo’y magalak ang masunuri’t matapat.

Ang lahat ng namumuhi sa masama’y mahal ng Diyos,
at siya ang nag-iingat sa buhay ngmga lingkod;
ililigtas niya sila sa kamay ng mga buktot.

Tugon: Sa Panginoo’y magalak ang masunuri’t matapat.

Sa tapat ang pamumuhay ay sisinag ang liwayway,
sa dalisay namang puso maghahari’y kagalakan.
Ang matuwid ang gawain ay galak ang masusumpong,
sa maraming kabutihang ginawa ng Panginoon;
ang ginawa niyang ito’y dapat nating gunitain,
at sa Poon ay iukol ang papuring walang maliw!

Tugon: Sa Panginoo’y magalak ang masunuri’t matapat.

ALELUYA
Lucas 21, 36

Aleluya! Aleluya!
Manalanging walang humpay
samantalang hinihintay
si Hesus na Poong mahal.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 25, 1-13

Ang (Pagpapahayag ng) Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Dito maitutulad ang pagpasok sa kaharian ng Diyos: may sampung dalagang lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Bawat isa’y may dalang ilawan. Ang lima sa kanila’y hangal at ang lima’y matalino. Ang mga hangal ay nagdal ang kanilang mga ilawan ngunit hindi nagbaon ng langis. Subalit ang matatalino’y nagdala ng langis bukod pa sa nasa kanilang ilawan. Nabalam ng dating ang lalaking ikakasal, kaya’t inantok silang lahat at nakatulog.

Ngunit nang hatinggabi na’y may sumigaw: ‘Narito na ang lalaking ikakasal! salubungin ninyo!’ Agad nagbangon ang sampung dalaga at inayos ang kanilang ilawan. Sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Bigyan naman ninyo kami ng kaunting langis. Aandap-andap na ang aming mga ilawan, e!’ ‘Baka hindi magkasiya ito sa ating lahat,’ tugon ng matatalino. ‘Mabuti pa’y pumunta muna kayo sa nagtitinda at bumili ng para sa inyo.’ Kaya’t lumakad ang limang hangal na dalaga. Samantalang bumibili sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa kasalan, at ipininid ang pinto.

Pagkatapos, dumating naman ang limang hangal na dalaga. ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami!’ sigaw nila. Ngunit tumugon siya, ‘Sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo nakikilala.’ Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Advertisements

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.